Bulacan, Philippines
Owned and Managed by the Provincial Government of Bulacan
June 26, 2021
Ginanap sa kasalukuyang ipinatatayong multi-purpose gym ni Gob. Daniel para sa mga mag-aaral ng BPC-Obando, ang paggawad ng Sertipiko ng pagiging Scholar ng mga mag-aaral ng Bulacan Polytechnic College-Obando Campus noon ika-23 ng Hunyo, 2021 na nilahukan ng mga tagapagtaguyod ng libreng edukasyon para sa mga Bulakenyo.
Pinangunahan ang paggawad ng Sertipiko ng kinikilalang "The People's Governor" at ang minamahal na Ama ng Lalawigan ng Bulacan, Gob. Daniel R. Fernando na nagbigay ng isang makabuluhang mensahe sa lahat ng mga estudyante ng BPC-Obando tungkol sa kahalagahan ng edukasyon at mga proyekto at programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan para sa ikabubuti ng pamumuhay ng mga Bulakenyo. Hiniling din ng minamahal na Gobernador ang pagtutulungan upang malabanan ang krisis na dulot ng pandemya dahil malaking porsyento o bilang ang ibinaba ng kaso ng mga nagkakaroon ng Covid-19 sa buong lalawigan ng Bulacan at dahil ito sa pagpupursige ng ating Pamahalaan.
Nagbigay din ng mensahe ng inspirasyon ang butihing Bise-Gob. Wilhelmino M. Sy- Alvarado na naunang dumating sa programa. Binigyang diin ng bise-gobernador ang importansya ng edukasyon para sa pagkamit ng mga minimithing pangarap sa buhay.
Pinaunlakan din ang nasabing programa ng bagong Presidente ng Bulacan Polytechnic College na si Atty. Joseph M. Inocencio at ang Scholarship Officer ng Dalubhasaan na si Ma'am Anne O. Santos na kapwa nagbahagi ng kanilang mensahe para sa BPCians ng Obando. Nakasama rin sa nasabing programa ang Sangguning Barangay ng Tawiran sa pangunguna ng kanilang Punong Barangay Leonard Delos Santos at dumalo rin ang Campus Director ng BPC San Rafael na si Sir Joey de Vera.
Punong abala naman sa ginanap na programa ang Assistant Department Head at Scholarship Head ng Provincial Government of Bulacan na si Ma'am Catherine Inocencio kasama ang mga katuwang sa paglilingkuran upang pangunahan ang pagsasaayos at pagdaraos ng programa. Sa pangunguna ng Campus Director ng BPC-Obando na si Sir Ed Villafuerte na isa rin sa naging punong abala sa ginanap na programa, ang mga guro at kawani ng dalubhasaan ay kaisa rin sa nag-asikaso ng mga pangangailangan ng programa katuwang ang mga mag-aaral na kasapi ng Student Government at The Sentry Publication upang mangalap ng maayos na detalye at litrato sa programa.
Kasabay ng paggawad ng sertipiko ng kanilang libreng pag-aaral sa dalubhasaan ay ginanap din ang pagpaparangal sa mga mag-aaral na nagwagi sa mga patimpalak ng 14th Founding Anniversary ng Bulacan Polytechnic College-Obando Campus na lubhang kinatuwa ni Governor Daniel R. Fernando na naging dahilan upang magbigay siya ng halagang isang daang libong piso (Php 100,000) para sa karagdagang papremyo at iba pang programang isasagawa ng Dalubhasaan para sa mga mag-aaral nito. Ang naturang halaga ay iniabot sa Campus Director ng BPC-Obando na si Sir Ed Villafuerte.
Nagbigay din ng apat na raang piso (Php 400.00) sa bawat mag-aaral na nakadalo sa programa. Gayundin, ang mga mag-aaral na nagpakitang gilas ng kanilang mga talento sa araw na nabanggit ay binigyan din ng tatlong-daan piso (Php 300.00) bawat isang mag-aaral. Ang mga guro at iba pang kawani ng BPC-Obando ay nakatanggap ng isang libong piso (Php 1,000.00) bawat isa mula kay Gob. Daniel R. Fernando.
Lubos ang kasiyahan ng mga mag-aaral, guro at iba pang kawani ng BPC-Obando sa kanilang natanggap at higit ang kanilang pasasalamat dahil sa libreng pag-aaral sa dalubhasaan na sa kabila ng hirap ng buhay ay naipagpapatuloy nilang abutin ang kanilang pangarap. At sa huli ay muling pina-abot ni Gobernador Fernando ang kaniyang pasasalamat sa lahat. At para sa mga mag-aaral, ipagpatuloy ang kanilang edukasyon at ang nararanasan nating pandemiya ay unti-unti nating lalabanan ng ang lahat ay bumalik na sa normal.
Sa nasabing programa ay tiniyak ng mga guro at kawani ang pagsunod sa mga safety protocols na iniatas ng IATF at ng ating pamahalaan.
- James Ronniel San Diego, BPC-Obando